Marcos was indeed right!
“Lumalabas ngayon na si Marcos ay isang bayani na may vision para sa bayan.” – Jake Macaet, Editor-Abante
Pagkatapos niyang bumagsak sa People power noong Pebrero 1986, lahat ng mga proyekto ni Ferdinand Marcos ay ibinasura. Lahat ng ginawa ni Marcos ay hindi tama. Kailangang buwagin.
Malapit na sanang matapos ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Malaking gulo ang nangyari. Malaki raw ang overprice ni Herminio Disini. Kaya pinabayaan itong mabulok.
Sinampahan ng demanda si Disini ng Presidential Commission on Good Government (PCGG). Mahigit ng 20 taon ang nakakaraan, hindi pa rin natatapos ang kaso ni Disini. Baka hindi mapatunayan na malaki ang kinita niya sa overprice mula sa Westinghouse. Malaya siyang nakakabiyahe sa labas ng bansa.
Samantala patuloy tayong nakasubsob sa hirap dahil sa mahal ng electricity. Kung hindi pati nuclear power plant ay binasura, hindi tayo maghihirap ng ganito sa mahal na presyo ng kuryente. Ang BNPP ay may kakayahang magbigay ng 600 megawatts. Sapat para ilawan ang buong Central Luzon at bahagi ng Metro Manila. Kung naitayo ang BNPP, hindi ito aasa sa crude oil. Malaking tipid sana at hindi gaanong magmamahal ang presyo ng kuryente.
Ang halaga ng BNPP noong panahong iyon ay $600 million lamang. Dahil nga sa ‘di mapigil na pagtaas ng crude oil, binabalak ng rehimeng Arroyo na buhayin ang nuclear power plant. Pero napalaki na ang gagastusin. Sa kapasidad na 600 megawatts, baka umabot sa $4 billion ang magagastos.
Nakakapag-isip pero kung iisipin mo ang lawak ng kurakutan sa kaban ng bayan, mura na rin ang $4 billion kung ito ay makakatulong sa pagbaba ng presyo ng kuryente.
Sumisikat na ang Pilipinas sa larangan ng design dahil sa Design Center na ipinatayo ni Imelda Romualdez Marcos. Binasura rin ito.
Walang nagsasalita na si Imelda Marcos din ang nakaisip ng Light Railway Transport (LRT), isang train na naghahatid ng maraming pasahero mula sa Monumento sa Kalookan hanggang Baclaran.
Kamuntik pang makulong si Imelda dahil ang upa ng mga nagtitinda sa estasyon ng LRT ay ginamit niya sa pagpapalaki ng Philippine General Hospital.
Dahil sa pagdeklara ng Martial Law na nagbigay kay Marcos ng poder ng halos 20 taon, walang makita ang mga pulitiko na mabuting nagawa si Marcos. Wala rin naman silang maipakulong sa mga tinatawag na kroni niya.
Ang mga sumunod na pamahalaan ay wala ng ginawa kung usigin ang pamilya Marcos at mga kroni nito. Katunayan, sa paniniwalang malaki ang kurakot niya, sinabi pa ng Executive Order na ang Land Reform ay pupondohan ng salapi na makukuha sa mga Marcos.
Walang sinasabi ang PCGG kung magkano na ang mga nakuha sa kurakot ng pamilya Marcos. Wala pa ring naipapakulong makaraan ng higit pa sa 20 taon.
Lumalabas ngayon na si Marcos ay isang bayani na may vision para sa bayan. Isa na nga riyan ang Bataan Nuclear Power Plant na magbabawas ng imported at mahal na crude oil. Baka hindi ninyo alam, halos lahat ng batas na umiiral ngayon ay mga Presidential Decree na ginawa ni Marcos.
Hindi inamiyendahan o ibinasura dahil napag-aralan na tama pala ito. Sana pinalitan na lamang ang mga PD na iyan pero itinuloy ang Bataan Nuclear Power Plant at ang Design Center ni Imelda.
Baka hindi natin inabot ang kasalukuyang paghihirap. Noon ding panahon ni Marcos lumaki ang ani ng bigas. Katunayan, ilang beses nakapag-export sa Indonesia. Alam ni Marcos na ang unang kailangan ng mga mahihirap ay pagkain. Kaya pinagbuti niya ang paglaki ng ani ng palay at mais sa pamumuno ng yumao kong kamag-anak at kaibigang si Arturo “Bong” Tanco.
Katulong niya si Domingo F. Panganiban na piniling secretary of agriculture pero pinaalis para muling makabalik si Art Yap.
Kita natin ang resulta. Kulang sa bigas. Malaki ang “tongpats” sa import. Paano kaya tayo makakaahon sa paghihirap kung ganito ang pamamalakad. Baka hindi na. Maghintay na lang tayo ng dalawa pang taon. Baka ang susunod na Pangulo na ihahalal sa 2010 ay may malasakit sa bayan. Baka lang.